Advertisement

Facebook



Divisoria Shopper’s Map (2011 Update): A guide on the whereabouts of the things you need to buy in Divisoria

DeliciousDiggTechnorati FavoritesMultiplyFacebookShare

May dalawang taon na rin ang nakalipas nang na-i-post ko ang tunkol sa Divisoria Shopper’s Map: A guide on the whereabouts of the things you need to buy in Divisoria. Di ko inaasahan na dadagsain ng mga tanong ang aking post at nakakatuwa din naman na malaman na nakakatulong pala ang mga walang kwentang pinagsusulat ko. Sa dami ng nag tatanong sa post ko, marami rin akong hindi nasagot, kung kayat nung minsan na walang pasok, ay sinubukan kong alamin kung saan nga ba sa Divisoria makikita yun mga bagay na karaniwang tinatanong sakin.

Ang impormasyon na ibabahagi ko sa ibaba ay nakaayos base sa lugar di tulad nang una kong post na naka ayos base sa item na inyong hinahanap. Kung wala rito ang inyong hinahanap, subukan nyo yung una kong post (Divisoria Shopper’s Map: A guide on the whereabouts of the things you need to buy in Divisoria) baka dun ay makita nyo ang hinahanap nyo. Pasensya na walang search feature ang comments,so bahala na kayong mag hanap.

Juan Luna Street

Ang Juan Luna street ay medyo may kahabaan, kung kayat minarapat kong hatiin ito sa dalawang bahagi dahil narin sa mga karaniwan na tindahan na makikita sa dalawang bahagi ng kalye.

Juan Luan From Binondo Church to Juan Luna Plaza

Ang bahaging ito ng Juan Luna ang una mong dadatnan kung galing ka ng south ng Metro Manila. Karaniwan mong makikita sa lugar na ito ay ang mga bentahan ng wholesale T-shirts, plain, colored or with colar. May mangilan-ngilan ka rin makikitang nag bebenta ng mga school supplies, laruan, payong at grocery. Sa mga bangketa naman, nag kalat din ang sari-saring paninda na palagay ko’y parang ‘summary’ ng buong divisoria. May nag bebenta ng relos, laruan, sapatos, tsinelas, payong, helmet at kung anu-ano pa. Kung hindi ka mapili sa binibili mo, palagay ko sa kalahating bahagi pa lang ng Juan Luna ay tapos ka na sa mahigit kalahati ng iyong balak bilhin. Mag-ingat lang na huwag magulungan ang iyong paa habang nag lalakad sa gitna ng kalye, dahil ang bahaging ito ng Juan Luna ay dinadaanan parin ng mga sasakyan.

Juan Luna Plaza

Ang Juan Luna Plaza ay matatagpuan sa gitnang bahagi ng Juan Luna, malapit sa estero. Ang building na ito ay may dalawang palapag lamang. Sa first floor ng Juan Luna Plaza ay sari-saring damit, bag, alahas at iba pang binebenta na retail. Samantala sa second floor naman ng building na ito ay puro wholesale ng underwear, jeans, shirts, pambata na damit, kurtina, at tuwalya.

Juan Luna Street From Sta. Elena to Recto

Sa kalahating bahagi naman na ito ay ang pinaka mataong bahagi ng Juan Luna, sapagkat halos karamihan ng papuntang Tutuban Mall ay dito ang daan. Karamihan na tindahan sa bahaging ito ng Juan Luna ay puro vinyl, lona, tent, rubber matting, foam, foam insulation, tela na pang upholstery, tsinelas, sapatos at payong. May kaunting tindahan din dito ng ibat-ibang plastic bags, plastic and styro foam food containers at mga fishing/shipping equipments tulad ng floatation vest, fishing nets, guide bouy sa fishing net. Syempre, hindi mawawala dito ang mga sidewalk vendors na kung anu-ano ang paninda.

KP Tower

Ang KP Tower ay matatagpuan sa kanto ng Juan Luna at Recto. Sa building na ito ay may dalawang palapag na paninda, basement at first floor. Sa basement mo makikita ang ibat-ibang gamit sa pag gawa ng mga hair accesories tulad ng mga plastic design na idinidikit sa hairband, hair clip at tali sa buhok. Meron din syempre mabibili na gawa na hair accesories. May mga ilan ding beads at bracelet na binebenta dito. Sa unang palapag naman ng building na ito ay panay payong ang paninda.

Ylaya Street

Ang kalahating bahagi ng Juan Luna ay nagsasanga sa dalawang kalye, ang Sta Elena at ang Ylaya street. Sa kahabaan ng Ylaya ay makakakita ka rin ng tindahan ng plastic bags at food containers. May tindahan din ng mga tela ng Kurtina at mga accessories nito tulad ng curtain rod, rod ornaments at mga tassels. Meron din tindahan ng mga damit, bags, imported na pabango, lotion, shapoo at conditioner, mga baby products tulad ng baby dress, milk bottles, unan at iba pa.

Mga tindahan gitna ng Tabora at Ylaya street

Sa gitna ng Tabora at Ylaya ay mga pasilyo na tindahan ng mga tela. Karaniwang makikita na tela dito ay mga gamit pang kurtina, pastel colored at printed na tela na pang bata, mga elaborate pattern na tela na may mga makikinang na palamuti tulad sequins, beads, gold and silver laces at iba pang patterns. Karaniwang magkakatabi ang mga nag titinda ng parehong uri ng tela kung kuyat di mo kailangan mag lakad ng malayo para mag canvass. Dito rin marami ang mga nag titinda ng gown pang kasal, pang birthday, mga barong at mga uniform pang eskwela. Karamihan ng mga nag bebenta ng gown ay tumatanggap din ng mga patahi or pagawa ng gown base sa inyong sariling design o mula sa mga catalog nila. Meron din ditong mga nag titinda ng mga native handicrafts na yari sa kahoy, ratan, sawali, kawayan at native na sako (jute sack). May mga nag titinda ng mga feather headdress, mask at costumes na parang pang broadway presentation. May mga nag titinda din ng ibat-ibang manequinns, may plastic halfbody torso, may whole torso na kulay black na manequinn na karaniwang nakikita sa mga boutiques.

Divine Mart

May nag tanong na sakin sa comments section kung saan ang Divine Mart, ngayon ko lang nadinig yun pangalan ng tindahan na yun. Kaya pala ay tago at di pansinin ang tindahan na ito kung sa gitna ka ng kalye naglalakad. Matatagpuan ang entrance nito sa gitna Ylaya, sa may tapat ng isang bangko (PBCom yata?). May dalawang entrance ito, isa sa harap ng Ylaya, at isa sa Tabora. May dalawang palapag lamang ito at maliit lang ang lugar, convenient ng kaunti dahil de-aircon ito, pang palamig sa buong maghapon mong pag-i-ikot. Ang Divine Mart ay tulad din ng mga stalls sa 168 Mall at Tutuban Mall. Karaniwang tinda dito ay mga Tshirt, blouse, palda at kung ano-ano pang pang pormang damit. Meron din dito mga tindahan ng bags at mga pabango.

Tabora Street

Ang Tabora street ang isa sa mga kalsada na pwede mong daanan papuntang Recto mula sa New Divisoria Mall. Sa kahabaan ng kalsadang ito ay panay souvenir handicrafts na pang birthday, kasal, binyag at iba pa, mga native handicrafts, mga christmas decor. Madami din ang mga sewing o tailoring supplies na nag bebenta ng mga butones, lace, sequins, sinulid karayom, manequin at lahat ng mga kailangan mo sa pag gawa ng damit. May makikita ka rin na mga tindahan ng mga maskara na gawa sa paper mache, costume na mabalahibo ng ibon at mga pang broadway. Madami rin nag bebenta ng mga kaldero, kawali, mga aluminum na gamit pang luto, mga fryers at grillers. May ilan din na nag bebenta ng hair accessories at lona.

Ledesma Building

Ang Ledesma building ay matatagpuan sa gitna ng Tabora at Carmen Planas. Sa mga pasilyo nito matatagpuan nyo ang karamihan ng sewing o tailoring equipments and supplies tulad ng lace, ribbons, butones, mga cotton fillings na gamit sa mga unan. Marami din stalls na nag bebenta ng mga tela panggawa ng damit at kurtina, lona, mga baby items, laruan, tuwalya, kumot na makakapal, unan, hair accesories tulad ng hairband, ipit, tali sa buhok. Samantala may dalawang stalls akong nakita dito na may paninda na hindi ko pa nakita sa ibang bahagi ng Divisoria. Ang isang stall na nakita ko ay nag bebenta lamang ng mga scout uniforms. At ang isa naman ay nag bebenta ng mga food equipments, hindi ito mga ordinaryong food equipment na kawali, sandok at iba pa, kundi mga malalaking food equipments tulad ng drinking fountain, softserve ice cream maker, glass refrigerated food displays at iba pang mga equipments na karaniwan mong makikita sa mga restaurant.

Carmen Planas street

Sa kahabaan ng Carmen Planas ang pinaka prominente na panindang binebenta dito ay ang mga prutas. Syempre all year round na binebenta ang mga mansanas, grapes, orange, dalandan, mandarin at iba pang citrus fruit. Bukod sa mga prutas na paninda, may mga nag bebenta din dito ng mga gamit pang luto tulad ng kawali, aluminum na kaserola, fryer, griller at iba. Marami din dito ang mga hardware supplies. May ilan na nag bebenta ng grocery items, bihon,mga malalaking bote ng toyo, suka, patis, mga dried spices. May nag titinda din ng baking supplies tulad ng harina, butter, mga candie/icing designs sa cake. Sa bungad ng Carmen Planas sa tapat ng New Divisoria Mall, makakakita ka naman ng halo-halong mga paninda na nakalagay sa sako, may vetsin, chlorine, tawas na pulbos at tawas na crystals at iba-iba pang dried spices. May mga nag titinda din ng mga makukulay na paper cups na ginagamit sa scramble o di kaya tulad ng mga ginagamit sa ice monster, pati na rin yun ibat ibang matatamis na junk foods.

Sto. Cristo street

Nahahati naman sa tatlo ang mga paninda na makikita sa Sto Cristo. Kalahati ng isang side ng kahabaan ng Sto Cristo mula Recto ay mga stalls na nag bebenta ng mga office and school supplies, mga paper products tulad ng pambalot sa regalo, at ang medyo kakaiba ng kaunti, ay may mga kyutix at pang manicure/pedicure din na binebenta ang mga stalls na ito. Sa kalahating bahagi naman ng kahabaan ng Sto Cristo ay mga nag bebenta ng kung anu-anong mga junk foods, tulad ng candies, mga laruan na may candies sa loob, kropek, chocolates, gummy worms, nuts, popcorn at iba pang mga matatamis na pagkain. Sa kabilang side naman ng Sto Cristo ay panay mga supplies sa bakery tulad ng mga sako-sakong harina, baking powder, mantika, margarine at iba pa. May ilan din nag bebenta ng mga walang brand na dish washing liquid, hand soap, detergent at fabric conditioner. May mga nag bebenta din ng mga food coloring, food flavor, mga gamit pang business ng shakes tulad ng mga paper cups, shake flavors, toppings tulad ng maliliit na mallows.

ElCano, M. De Santos at Asuncion streets

Ang Elcano at Asuncion street ay pinag dudugtong ng M. De Santos. Kung tutusin ang mga kalye na ito ay mga liblib na lugar na ng Divisoria dahil di na karamihan ang mga mamimili at tindahan dito sa bahaging ito. Dito mo matatagpuan ang ibat-ibang agri products. Madami dito ang nag bebenta ng sako-sakong sibuyas, bawang, mungo, soya at iba pang beans. May mga nag bebenta din ng feeds sa hayop, dried shrimps, sago, spices, bihon, canton, macaroni at iba pang noodles. Madami din sa bahagi na ito ang nag bebenta ng mga baking supplies gaya ng harina, mantika, margarine, cocoa at baking powder tulad ng Calumet. Dito mo rin mabibili ang mga sako-sakong powdered milk, sugar, salt at mga food coloring at flavorings (may mga shake flavors din). May mga grocery din dito na sa tingin ko ay mas mura ang kanilang paninda sa normal na grocery sapagkat maraming mamimili ang dumadayo sa kanila kahit medyo tago at malayo ang kanilang tindahan. Dito ko rin nakita ang ilan tindahan na nag bebenta ng mga wholesale baby diapers, trapal, pinggan at iba pang houseware. May ilan din tindahan dito na nagbebenta ng mga exotic live fish tulad ng pating, crab at iba pang salt water fishes. At isa rin sa pinakamaraming tindahan dito ay mga tindahan ng plastic or di kaya’y styrofoam na mga food containers, cups, mga plastic bags, plastic bottles tulad ng 1 litrong bote ng mineral water na karaniwang lalagyan ng mga unbranded na hand soap, fabric conditioner, at mga white opaque plastic bottles gaya ng ginagamit sa mga peanut butter at mga ginagamit sa toyo at suka.

Commercio at Muelle De Binondo streets

Ang Muelle de Binondo ay isang kalye sa tabi ng estero na humahati sa Juan Luna street. Ang Commercio street naman ay perpendicular sa dulong bahagi ng Muelle de Binondo. Binabaybay nito ang New Divisoria Mall at New Divisoria Center mula sa Juan Luna street. Karamihan ng binebenta sa dalawang kalye na ito ay mga plastic houseware products tulad ng batya, timba, tabo, hanger, plastic na paso, malalaking plastic box container at aparador. Bukod sa mga plastic housewares, sa bahagi ng Commercio sa tabi ng New Divisoria Mall at mag kakatabi naman ang mga nag bebenta ng mga plastic bags, cups at styro/plastic food containers.

New Divisoria Mall

Ang New Divisoria Mall ay isa sa mga kauna-unahang mall sa Divisoria. Kung tutuusin ang New Divisoria Mall ay ang ultimate summary ng buong divisoria dahil sa sari-saring paninda dito mula sa buhay na manok, isda, karne, gulay,hardware, houseware, laruan, school supplies, damit, bags, sapatos, electronics at food court.

Sa Basement nito sa kalahating bahagi ay matatagpuan ang palengke na kung saan makikita ang bentahan ng mga live stock tulad ng bibe at manok, mga karne, isda, gulay at mga kailangan sa pang luto tulad ng mga mantika, suka, toyo, patis, asukal at iba pa. Sa kalahati naman ng basement ay panay bentahan ng mga maliliit na laruan, sticker, mga kendi at mga gamit pang birthday party. Mayron din dito maliit na lugar kung saan makakabili ka ng mga native products tulad ng mga salakot, bayong, bola ng sepak takraw, rattan, bilao, walis at iba pa.

Sa First floor naman ay sari-sari ang binebenta mag mula sa wallet, assorted na housewares tulad ng mga scouring pad, sandok, kutsilyo at mga hardware. May mga novelty items tulad ng mga character notebooks, pencil, ballpen, sticker, panyo, hello kitty items, frames and posters, paper bags at iba pang school supplies. Marami din mga cellphone accessories, mga neck strap, keychains. May mga personal accessories tulad ng relo, sunglasses, earrings, necklace, nail polish, makeup, hair accessories tulad ng hairband, ipit, tali sa buhok. May nag bebenta ng mga helmet, payong, mga sports cap at mga pang cowboy na sumbrero, baby items at supplies ng paggawa ng beads (isa ito sa karaniwan na tinatanong sakin).

Sa Second floor naman ay mas marami na ang nag bebenta ng mga sari-saring damit pang malaki at pati pambata, bags, sapatos, slippers, costumes, kurtina, wallet, sticker, cap, sun glasses, belt, diaper, mannequin,housewares, stuffed toys at iba pang laruan. Dito rin sa second floor makikita ang mga birthday party supplies tulad ng mga pabitin, palayok, pinata, baloons at iba pa. Marami din dito ang gumagawa ng mga graphic printing sa tarpaulin, invitations, calling cards at personalized items.

Sa Third floor naman ang food court ng mall. Medyo maluwag ang espasyo sa third floor di tulad ng unang dalawang floor na sobrang sikip sa mga tao. Bukod sa food court, nasa third floor din ang ilan na nag bebenta ng mga DVD, entertainment sound system, mga cellphone accessories, mga computer games sa PSP, blank CD at iba pang electronics na paninda.

Ang lahat ng mga lugar na nabanggit ko ay bumubuo ng 1/4 lamang ng buong Divisoria, pero kahit gayon ay sari sari narin ang mga binebenta dito at di mo na kailangan galugarin ang buong Divisoria. Sa susunod kung mag karon muli ako ng oras, susubukan ko naman galugarin ang mga lugar ng 168 mall, tutuban mall at iba pang bahagi ng Recto. Kung ang hinahanap mo ay wala sa mga naikuwento ko, mag-iwan ka lang ng comment at susubukan kong sagutin ang tanong mo.

Mga Karaniwang Tanong

Inilista ko narin sa ibaba ang mga karaniwang tinatanong sa akin, base sa mga comment sa una kong post.

Ang hinanap mo ba ay?

Agri products/Cooking Ingredients/Noodles/Baking Ingredients:

Sibuyas, bawang, beans (e.g. munggo, soya at iba pa), dried shrimp, sago, spices (e.g. laurel) , bihon, canton, elbow macaroni, baking powder (e.g. Calumet), cocoa,  chocolate, harina, margarine, mantika, powdered milk, sugar, salt, food coloring, food flavoring.

Saan makikita?:

Sa ElCano, M. De Santos, Asuncion streets.

Food Packaging Containers:

Plastic bag, plastic cups, clear plastic food packaging usually used in baked goods, styro foam plates, styro foam cups, aluminum plates, aluminum tray, 1liter mineral clear plastic bottle similar to mineral water bottle, white opaque plastic bottle similar to soysauce bottles, white opaque plastic bottle similar to peanut butter bottle container,

Saan makikita?:

ElCano, M. De Santos, Asuncion, Juan Luna, Ylaya, Sto. Cristo, Commercio streets.

Hard plastic housewares:

Timba, tabo, batya, cabinet, hanger, flower pot

Saan makikita?:

Muelle de Binondo, Commercio streets

Handicrafts:

Native handicrafts e.g. bayong, walis, rattan products, bilao, salakot.

Custom made souvenirs e.g. glass sculptures, metal crafts, souvenirs for wedding, birthday, christening

Saan makikita?:

Tabora street, Basement wet market ng New Divisoria Mall at mga tindahan sa gitna ng Tabora at Ylaya streets.

Wholesale Diaper

Saan makikita?:

El Cano, M. De Santos, Asuncion streets at sa second floor ng New Divisoria Mall

Update: Oct 7, 2011: Additional info provided by reader yesley. Thanks!
=======================
dagdag ko lang ang Sta. Elena Street (between Juan Luna at Divisoria Mall):

1. Wholesaler ng frozen french fries at mixed vegetables (green peas, carrots)
2. wholesaler ng plastic & paper supplies (paper plate, plastic cups, plastic supot, pastry boxes, plastic spoon and fork, wrapping paper)
3. Wigs sa bangketa
4. Wholesale branded medicines & personal care products
5. Wholesale milk
6. Wholesale grocery (malalaking sako ng harina, sotanghon)
7. Fruit vendors (apples, grapes, orange, lemon, pati mga seasonal fruits tulad ng cherries, peach)

Ang New Divisoria Center bldg along Sta.Elena street ay dating “Bodega Sale” ang pangalan kung kaya’t kapag inikot mo ang likod nito malapit sa creek, makikita mo ang entrance ng Bodega Sale kung saan may maraming puwesto ang mga toy wholesaler (sila Anding’s etc) at Christmas decor. Sa ibaba naman ng Bodega Sale ay meron ding plasticware wholesaler (melamine plates, utensils, plastic containers, timba, planggana, tabo, at kung anu ano pa)

Sa Juan Luna din (sa tabi ng Juan Luna Plaza) ay ang Oversea Paper Supply na malaking wholesaler ng gift wrapping paper, boxes, at iba pang related supplies.

Sa kabilang kanto ng Juan Luna-Sta. Elena ay may ilang bangketa (malalaking puwesto) na nagtitinda ng mga usong stuffed toys mula mickey mouse to angry birds.

Dito ka rin makakabili ng fried siopao pang merienda!
=======================

DeliciousDiggTechnorati FavoritesMultiplyFacebookShare

Related Posts

  1. Divisoria Shopper’s Map: A guide on the whereabouts of the things you need to buy in Divisoria
  2. Divisoria Shopper’s Map: Commoner’s Commercial
  3. Curry, Hindi Adobo
  4. Off To Nether-Netherlands!
  5. Alluring Atulayan Island

Related posts brought to you by Yet Another Related Posts Plugin.


 
 

350 comments to Divisoria Shopper’s Map (2011 Update): A guide on the whereabouts of the things you need to buy in Divisoria

Leave a Reply

 

 

 

You can use these HTML tags

<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>